Bago sa akin itong Trinx C290. Wala siya sa official website ni Trinx, siguro ay hindi pa yun updated. Akala ko nga, C200 lang ito na kinabitan ng mga sellers ng hydraulic brakes para bumenta uli yung model. Pero hindi pala, meron pala talagang Trinx C290.
Dun sa frame, C290 talaga yung nakaprint. Hindi natin maikakaila na Trinx C200 pa din ang base model nito. Ang SRP nito ay P7,500. Yun na ang pinaka mura kong nakita. Naging mas mura pa sya kesa sa unang labas ni C200.
Dahil wala pa nito sa website ni Trinx, ang specs nito ay ibabase lang natin sa info galing sa mga sellers nito.
Trinx C290 Specs:
Frame: Cag Alloy AL6061 Frame
27.5 ang gulong na fit sa frame nitong C290. Alloy na din yung frame. Sa geometry, kagayang kagaya lang talaga ng C200. Hindi nalalayo sa style ng frame ng Majestic series ni Trinx. May nakaprint din na Big7. Indicator siguro na 27.5 yung frame.
Fork: Trinx with LOCK OUT
Ordinary fork lang ni Trinx na may lock-out. Kagaya lang ng nakalagay sa Trinx M500. Hindi ganun kagaan yung fork pero hindi na din masama. May lock out na kaya pwede mo i-lock yung suspension kung ayaw mo na may play. Coil spring ang fork na ito, at halos steel ang materials kaya may kabigatan.
Shifter: Shimano Altus 8 Speed Shifter
Dahil naka-hydraulic brakes na itong C290, hindi na pwede sa kanya yung combo shifter na makikita mo sa M136 or sa M500. Kailangan na bukod na shifter na, buti na lang at Shimano shifter ang nilagay. Yung 8-speed na Altus shifter ang common na choice dito. Maganda naman ang pitik ng shifters na ito, at may indicator pa ng kung nasaang gear ka naka-shift.
Brakes: X-Spark Hydraulic brakes
Bago din sa akin ang brand na X-Spark. Wala din ako mahanap na mas detalyadong impormasyon tungkol sa brakes na ito. Ang porma nya, parang kagayang kagaya ng Tektro Auriga hydraulic brakes din. Baka rebrand lang ito ni Trinx. Ok naman ang performance ng ganitong brakes, gamit ko yun dati halos isang taon sa madaming rides. Ngayon, nakakabit pa din siya pero sa iba ko ng bike.
Ang kagandahan kasi kapag naka-hydraulic brakes ka sa MTB, hindi mahirap pigain ang brakes. Mas ramdam mo pati ang lakas ng kapit ng preno, mas madali din i-modulate o i-feather ang pagpreno, para mas may kontrol ka sa pagbabawas ng speed mo habang bumubulusok ka.
Front derailleur: Trinx
Trinx yung FD. May sticker e, na nakalagay “Trinx index system”. Curious ako kung ano ang nasa ilalim ng sticker, baka makita dun kung sino talaga ang original na maker ng FD na ito.
Chainwheel: Trinx Triple
Trinx din yung crankset. Hindi Prowheel. Judging sa itsura ng crank, palagay ko ay bakal ang crank arms.
Cogs: Shimano 7 Speed
Yung cogs naman 7 speed. 7-speed pala yung cogs, kung sabagay ganun din naman yung sa C200. Pero pwede naman kahit 8-speed yung shifters. Kung 7-speed lang yung cogs, matic na thread type yung hubs nito. Kaya kung may balak ka iupgrade dito, yung hubs kailangan mo palitan ng cassette type tapos magpalit ka din ng cassette type na 8-speed cogs. Ready na yung shifter mo para sa 8-speed.
Rear derailleur: Shimano TZ
RD naman nito ay Tourney. Maganda ang performance nito kahit nasa low-end siya ng Shimano groupsets. 7-speed at 8-speed kayang kaya niya.
Tires: Kenda 27.5
Kenda na yung tires at hindi CST lang. Mas ok na itong Kenda brand, mas maganda. Hindi din sobrang aggressive ng knob profile ng tires na ito kaya balanse lang siya na maganda gamitin pang offroad at pang sementadong kalsada.
Rims: Trinx Doublewall
Alloy na yung rims pero generic Trinx rims lang din. Wala naman issue dito dahil sa lahat ng kakilala ko na may Trinx na MTB, wala pa ako nabalitaan na pumalyang stock rims.
Yun lang, yan lang ang specs na meron tayo. Ang iba pang obvious na specs nitong Trinx C290 ay disc-brakes, low-rise na handle bar, walang bar-end grips, bagong saddle at seatpost, quick release na seatclamp, quick release na hubs, at integrated head tube.
Tatlong kulay pa lang yung nakita ko sa C290.
- Red Black na may White
- Blue Black na may White
- Yellow Black na may White
Verdict
Sa presyong P7500, hindi na masamang choice ang Trinx C290. Dahil kung ang gusto mo ay 27.5 na MTB, halimbawa Trinx C200 na tig P7000 (presyo nya ngayon) at iuupgrade mo sa hydraulic (nasa P1500 ang non-series Shimano hydraulic brakes at P600 naman ang 8-speed Altus shifters) lalagpas pa ng P9k ang gastos mo. Ganun din kung Foxter FT301 naman ang iuupgrade mo. Iba din ang specs nito sa C200. Kenda na ang gulong nito samantalang CST lang yung sa C200.
Sa tingin ko, sa paglabas ni Trinx ng model na C290, wala ng dahilan para bilihin pa yung C200. Iwan na iwan na kasi sa specs yung C200 e, kahit sa M500 pa na 26er lang at mas mura pa. Kung naghahanap ka ng affordable na MTB, magandang choice na din ang Trinx C290. 27.5 na yung gulong, naka hydraulic brakes na at ready na iupgrade sa 8-speed kung sakaling balakin mo o kapag bumigay at naging palitin na yung stock hubs.
[alert-note]Salamat sa stan13bike para sa mga pictures na ginamit sa post na ito. Sa kanila din galing yung specs at price ng Trinx C290.[/alert-note]
Leave a Reply