Importante ang comfort kapag nagba-bike ka. Kasi pag kumportable ka sa bike, walang sasakit sa katawan mo, mageenjoy ka, at mas makakapadyak ka ng maayos.
Heto ang ilan sa mga pwede mo na palitan kung sakali man na hindi ka kumportable habang pumapadyak.
Saddle
Common na sumasakit ang part ng pwet at yung sagradong parte ng katawan natin kapag nagba-bike.
Nandito kasi yung pinaka-point ng pressure natin sa bike kasi isa ito sa mga main contact points natin sa bike.
Pwede mong kapain sa position ng saddle sa seatpost. I-abante mo, i-atras mo, itungo mo, i-pantay mo lang, o di kaya angle mo ng konti, nasa sayo yan kung saan ka magiging kumportable sa pag-upo at pag posisyon mo sa bike.
Tsambahan lang din kung anong klase o style ng saddle ang swak na magiging kumportable ka. Magkakaiba kasi tayo ng katawan, kaya maaring kung ano yung kumportable na saddle sa tropa mo, e pwedeng hindi kumportable sayo. Walang isang saddle na kumportable para sa lahat ng bikers.
Sa experience ko, itong Velo na saddle na may butas sa gitna ang pinaka kumportable na saddle na nagamit ko. Kapag itong saddle na to ang gamit ko, hindi na sumasakit ang pwet ko kahit na sa long rides.
Kailangan mo din dito mag eksperimento bago mo makuha yung saddle na compatible para sayo. Hassle at magastos, pero worth it din naman sa huli pag nahanap mo na yung itinadhana na saddle para sayo.
Bars
Handlebars sa MTB man o drop bars pang road bike.
Isa din to sa pwede mo palitan kung sakali man na hindi ka kumportable sa bike mo.
Pwedeng sobra yung haba ng bars, o masyado maiksi. Maganda kung swak ito sa katawan mo.
Kung sa road bike, ang pinapayo nila ay dapat halos kapantay ng lapad ng balikat.
Sa MTB naman, subukan mo daw mag push-up para masukat mo kung gaano kalapad yung kaya mo na mag-push up ng buong lakas.
Gabay lang yan, pero depende pa din yan sa klase ng rides na ginagawa mo.
Sa road bikes, merong style ng drops, o yung kurba na maaring makaapekto din sa comfort mo sa pag-ride. Sa MTB naman, may rise at sweep din na specs ng handlebars na ganun din, nakakaapekto din sa comfort na maeexperience mo sa pagba-bike.
Panoodin mo na din tong video na ginawa ko noon tungkol sa handlebars kung di mo pa ito napapanood:
Idamay mo na din yung stem, baka doon ka may problema.
Kapag ang stem ay sobrang haba at pababa (negative setup), maaring kung hindi pa ganun ka-flexible ang katawan mo para sa ganung setup kaya hindi ka kumportable.
Ang kumportable na setup ng stem ay yung hindi naka negative angle at may saktong haba lang.
Bar Tape o Grips
May ibat-ibang klase ng bar tapes at handlebar grips. Ibat-ibang materials, ibat-ibang epekto din sa humahawak o gumagamit.
Kung hindi kumportable ang kamay mo na hawakan ito, isa ito sa mga murang pwede mo na palitan sa bike mo.
Bar tapes ang tawag sa para sa road bikes. Ito yung nakabalot sa drop bars.
Handlebar grips naman para sa mga MTB. May video na din ako na nagawa tungkol sa mga handlebar grips, panoodin mo na din kung hindi mo pa napapanood:
Silicon grips yung gamit ko ngayon para sa MTB, sa experience ko, masarap sa kamay kasi malambot, kaya hindi ako nakakaranas ng discomfort sa ganitong klase ng grips.
Cycling shorts
Kung hindi ka pa gumagamit ng cycling shorts, baka ito na yung panahon para gumamit ka nito.
Ang tinutukoy ko dito ay yung cycling shorts na may padding.
Malaking tulong din kasi yung padding para hindi masyadong sumakit yung pwet kapag nagra-ride lalo na kung long rides.
Gloves
Madaming magandang epekto ang pag gamit ng gloves.
Nakakatulong ang gloves para hindi masyadong mangalay, mamanhid, o sumakit yung kamay natin pag may rides. Matagal kasi ito na nakahawak sa bars kapag nagba-bike.
Iwas gasgas na din sa kamay kung sakali man na sumemplang ka at maitukod mo ang kamay mo, ayos lang na masira yung gloves, mas mababa ang tyansa na masugatan ka kasi nga may gloves na nakaprotekta.
Pero kung nakakaranas ka na ng mga pamamanhid sa kamay, baka kailangan mo na magpalit ng gloves.
Ako personally, mas trip ko ang gloves na may padding.
Shoes
Baka maliit ang sapatos mo, o sobrang sikip nito kaya sumasakit ang paa mo.
Dapat sakto lang ang fit, pero hindi sobrang sikip.
Hindi din naman kasi maganda kung maluwag ang sapatos.
Yung pagkakahigpit o pagkakasintas, wag mo itotodo. At kung gumagamit ka naman ng cleats shoes/pedals, i-tweak mo din ang position ng cleats attachment, baka doon may problema.
Makakatulong din ang pag gamit ng magandang klase ng medyas.
[header image via RiChard Patrick]