6 Tips Kung Magba-Bike Ka Na Sobrang Init

Guide para sa mga rides nyo na sobrang init

Di na bago to sa Pinas. Sobrang init dito e, di maiiwasan ang mga rides na sobrang init pero buti na lang merong ilang tips na pwede natin magamit kung sakali man na maging ganito ang kundisyon ng mga padyak natin.

1. Sanayan lang

via Cekol La Quinta‎

Ito yung una talaga e. Masasanay ka na lang din. Sa una, sobrang hirap kasi iba yung epekto ng matinding sikat ng araw. Nakakapang hina.

Pero kalaunan, makakasanayan mo din. Ang dami kong kilala na mga “solar boys” kung tawagin, kasi parang balewala na lang sa kanila yung init, nakakapadyak pa din ng malakasan.

2. Proteksyon

via Mike Angelo

Hindi lang sunburn ang ginagawa ng matinding sikat ng araw sa katawan natin. Nakakadagdag din ng fatigue kung mabilad ka sa araw. Nakakapagpabilis din ng metabolismo ng katawan, maaring maganda nga yun pero ang epekto nito talaga ay mas mangangailangan ka ng tubig o fluids sa katawan.

Gawin mo yung mga pwedeng gawin para maprotektahan mo ang sarili mo sa sunburn. Maglagay ka ng sunblock o sunscreen, gumamit ng arm sleeves, bike scarf, at pati na din cycling cap para dagdag proteksyon na din sa init sa bandang ulo at hindi ka maging sobrang sunog.

Maganda din na may shades ka kasi para hindi masyado mainitan ang mata mo pati na din hindi masilaw at sobrang babad sa sikat ng araw.

3. Magplano

via Russel Gelido‎

Isa sa biking hack na alam ko pag ganito, ay ilagay mo na sa freezer sa gabi pa lang yung inuman mo ng tubig. Same lang din kung hydration bag ang gamit mo, yung bladder, pag-yelohin mo na yung tubig nun sa freezer sa gabi bago ng ride nyo kinabukasan.

Sa ganitong paraan, hindi agad mawawala yung lamig ng baon mo na tubig. Mas nakakarefresh kasi kung malamig talaga yung iniinom mo na hydration sa ride.

Kapag naman mahaba yung mga rides, planuhin nyo na kung saan kayo pwede makapag-restock ng malamig na inumin.

Kung malamig kasi ang iinumin nyo, mas madali itong makatulong na makapagpababa ng temperature ng katawan at makapagpataas ng performance sa pagpadyak.


4. Magbasa

via Michael Christian Gime Masajo‎

As in basa, hindi tuyo.

Maaring matukso ka na mag lagay na ng yelo sa may cycling jersey para lang malamigan ang katawan mo at makalaban sa init na nararamdaman dahil sa tindi ng sikat ng araw pero hindi ito advisable.

Sabi kasi ng mga doktor, kapag ang yelo ay direkta na nakadikit sa balat natin, pinapasikip nito ang blood vessels na daluyan ng dugo sa katawan natin, ang resulta, mas pinapataas nito ang init ng katawan.

Mas ok pa din na magbuhos lang nag tubig sa ulo, sa leeg, at sa balikat para kahit papaano makabawas sa init na nararamdaman.

5. Easy-han mo lang

via Angel Cruz‎

Pag mga ganitong sobrang init na rides, wag mo na pwersahin masyado.

Iba kasi ito kung maganda yung panahon e, doon pwede ka humataw. Pero pag mga ganitong sobrang init, dahan dahanin mo lang para di ka masobrahan.

Mag-enjoy pa din, medyo challenge nga lang pag mag-isa ka, pero kung may mga kasama ka, enjoyin nyo lang. Wag tipidin ang sarili sa mga stop-overs lalo na kung sobrang tindi ng sikat ng araw.

6. Mag Hydrate ng tama

via Jay Katigbak

Bago yung araw ng ride nyo, mas maganda kung sinisimulan mo na mag hydrate ng tama. Ang payo para dito ay kumain ka na daw ng mga matubig na prutas (tulad ng pakwan at ubas) at gulay.

Sa araw naman ng ride, uminom lang ng tama. Wag na wag mag-ride out na walang baon na tubig o inumin.

Nasa sayo kung tubig o electrolytes na inumin. Ang mahalaga, wag kakalimutan na uminom para mare-hydrate. Ang mahirap kasi pag nadehydrate ka, bukod sa bababa ang performance level mo sa pagpadyak, maari din na makaranas ka ng pagkapulikat, at iba pang heat-related na kundisyon.

Ilan lang to sa mga pwede ninyo na maging gabay kung ang mga padyak nyo ay sobrang init. Meron pa ba kayo na tips na pwedeng maidagdag dito? I-post nyo yan sa comments. I-share nyo na din ang article na to para makatulong sa iba pa natin na mga kapadyak at maging safe at masaya ang rides kahit na sobrang init man.

[header image via Robert Matthew Paul‎]


  •  
  •  
  •  
  •