Review: S-Works Prevail Replica Helmet


Nagkalat mga replica ng mga helmet ngayon sa online shops sa facebook ng mga bike accessories. Laking mura nga naman kumpara sa original. Tulad nalang nitong Specialized S-Works Prevail helmet, $200 ang original price nya na SRP mismo sa Specialized website, kung i-estimate natin sa peso aabot din ng P10k+tax pa, baka nasa P12k ito sa mga bike shops kung bibili ka.

Parang ito na yung pinakapatok na helmet, kasi madami dami din akong nakikitang nakasuot ng ganitong helmet kada weekend.

Sa mga online shops, naglalaro sa P2.5k pababa ang presyo ng replica ng Prevail helmet. Gusto ko itry bumili para naman may magamit na akong road helmet, kaso lang ayaw kong bumili sa online na hindi ko nasisigurado kung okay ba yung fit, at yung build quality. Baka kasi same lang din ng generic helmets na mabibili mo sa presyong P300, iba lang yung design kaya pinamahal.

Nitong nakaraan, napadpad ako sa Quiapo. MET Rivale na talaga dapat ang bibilhin ko doon. Kaya lang isang shop lang ang meron pero isa na lang yung stock, Large pa. Gusto ko kasi medium lang. Hindi ko tuloy nabili.

Nagikot ikot pa ako sa tabi tabi at nakakita ako ng may mga replica ng MET Rivale at Kask Protone na helmet, pero hindi sila pumasa sa checking ko.

Nakita ko itong Specialized S-Works Prevail helmet replica, at makalipas ang ilang minutong pag-fit sa harap ng salamin, napusuan ko ang kasimplehan ng kulay itim, binili ko na sa halagang P1400. (P1500 unang binibigay pero sinubukan kong tawadan, hanggang P1400 lang daw, mas mura pa kumpara sa nakikita ko sa facebook kaya kinuha ko na)

Review

Unang una, kuhang kuha yung itsura ng Prevail. Yung pwesto ng vents, at may mga decals din, sa malayong tingin hindi mo talaga aakalain na copy lang siya. Yung nakakita pa lang ng orig na Prevail helmet ang makakapansin ng kaibahan.

ito yung itsura ng original

Hard plastic yung outer shell nya pero magaan lang yung helmet overall. Mukhang matibay naman yung styro dahil hindi sobrang lambot na pwede mong madutdot ng hinlalaki.

Mukhang reflective naman yung decals, although hindi ganun ka 100% kopyang kopya sa style. Medyo faded yung sa orig.

Yung large vents at aligned exhaust ports ng orig na design ng Prevail, nakopya din.

ito yung top-view ng orig.

Kung parehas lang ng porma, edi nakuha din nito ang aerodynamic benefits ng design ng orig na Prevail helmet, pati na din yung cooling performance nito dahil sa parehong pwesto at bilang ng vents.

Hindi ko masyadong napansin, kasi sa gaan at kumportable nya suotin, parang wala kang suot na helmet; malamig sya sa ulo.

Hindi masyadong nagpapawis ulo ko di tulad pag gamit ko yung iba kong helmets na kailangan ko pa may scarf sa ulo or cycling cap para lang hindi tumulo yung pawis galing sa ulo ko.

Medyo sumablay lang dito sa detalyeng ito yung replica helmet.

rear view ng orig

Nagkulang ng vents sa likod. Yung sa bandang gitna, nagsarado. Pero pinalagpas ko na ito dahil yung ibang replica ng prevail na nakikita ko sa online, walang hard plastic sa likod na vents kahit isa.

Yung logo text din na Prevail at S-works sa gilid ay iba. Yung sa orig, naka-emboss siya sa styro.

Yung kulay din ng adjuster, naiba, naging pula. Pero gayang gaya pati style. Hindi sya katulad ng sa mga generic bike helmets lang. Plus points ito sa akin.

Maganda ang performance ng adjuster na ito, steady fit sya sa ulo.

may plastic din pero may vent pa sa gitna, naka emboss yung sworks prevail logo

may plastic sa vents, nabawasan nga lang ng vents.


Ultimo sa sticker sa loob naka print yung Mindset text na kagaya sa orig dahil yun yung tawag sa fitting technology nitong Prevail helmet. Pati yung mga technical details ng helmet tulad ng size, etc. ay naka-sticker din na akala mo orig.

inside view ng orig

Naiba nga lang ng kulay ng foam sa loob.

Iba din yung klase ng foam, pero parehas na parehas lang ng pwesto.

Yung sa orig parang ganyan yung common na nakikita ko sa ibang mga helmet, yung may butas butas pang maliliit sa foam.

Kahit iba yung foam, masarap pa din sa ulo at hindi makati sa balat.

Pati yung S na emblem ng Specialized sa front vent, nakuha din tulad ng sa orig. Wala nga lang sa orig nung makikita nyo sa gilid na kinakabitan ng strap.

close-up ng adjuster

Merong may pulang adjuster din sa orig pero sa ibang colorways ng Prevail helmet yun.

Close-up ng adjuster ng Y-strap, iba sa ordinary.

Iba sa orig, dito pa lang pala malalaman mo na agad kung replica o orig yung Specialized na helmet.

Ganito yung style ng adjuster sa Y-strap ng generic na mumurahing helmet. Common yan na makikita mo.

Yung ibang mga replica na helmets na nakita ko sa facebook, ganyang ordinary lang din ang gamit e. Minus points sakin yun.

Iba din yung feel ng strap nitong replica, parang mas premium sya kesa dun sa mga ordinary lang.

Pwede ko na maisabit yung salamin ko sa helmet habang nakasuot at kahit pumapadyak, hindi malalaglag; na hindi ko magawa sa luma kong mga helmet.

Pati yung maliit na detalye sa kumakapit sa strap, may Specialized logo din. Iba nga lang yung style ng buckle, pero yung mismong strap, kahit hindi kagaya ng sa orig dahil iba din yung adjuster sa Y-strap, tingin ko parang sa orig na din yung style ng tela ng strap dahil manipis at hindi kasing kapal ng nakikita ko sa mga generic bike helmets.

Conclusion

May nabasa ako dati na sabi, parehas lang naman daw ng performance ang replica sa orig na helmet, in terms sa pagsalo ng impact sa mga di inaasahang pangyayari; nagkakaiba lang sa quality ng strap, adjusters, foam, locking at fit comfort.

Ang attractive lang sa mga replica na helmet ay mas mura ang price nito kumpara sa orig. May ibat-ibang quality din ang mga replica helmets. Merong medyo mas mataas ang quality, at madami din na talagang all-out low class lang na helmet.Yung basta ginaya lang itsura, na tipong kagaya na lang sa generic helmets yung nakasalpak na components.

Mas maganda talaga kung mafifit mo muna yung helmet para ma husgahan mo kung maganda ba yung fit sa ulo mo.

May mga sellers sa facebook na sinasabing high quality replica daw yung item nila, mas mabuti munang suriin ito ng maigi kung “high quality” nga.

Kung bibili ka ng bike helmet, busisiin mo muna, huwag magsettle sa masyadong mahal pero hindi naman original. Replica na nga lang e, mapapamahal ka pa. Edi doon ka na sa branded at hindi replica kung sakali man na gagastusan mo lang.

Pero bottomline, mas maganda pa din kung original na helmet o mas kilalang brand na alam mo na may pinagdaanang tests para sa quality ang pipiliin mo na helmet.


For better choices na may abot kayang price-point, I will recommend go with Spyder helmets. Watch the video below for more info:


Specialized S-Works Prevail Replica Helmet Review
  • Looks
  • Functionality
  • Small Details
  • Price
4.8

Impressions:

Maganda ang fit nya sa ulo, at masasabi kong high quality replica siya dahil gayang gaya nga ng orig na Prevail. Medyo may mga sablay sa eksaktong pagkopya pero panalo na para sakin ang helmet na ito. Magaan at masarap sa ulo, iba din sya sa mumurahing ordinary helmets. Pero mas maganda pa din kung original na helmet o mas kilalang brand na alam mo na may pinagdaanang tests para sa quality.

  •  
  •  
  •  
  •  
    1. Don October 2, 2017
      • Ian Albert October 2, 2017
    2. stephen rhylle July 21, 2018
    3. rey angelo December 29, 2018

    Add Your Comment