Nature Trippin’ @ Nagcarlan, Laguna


“Tahakin ang daang ‘di gaanong nilalakbay”

Nagkayayaan kaming magkakaibigan na pumunta sa Nagcarlan para makita ang Underground Cemetery. Bago pa man kami makarating sa aming destinasyon, napansin namin ang isang daan na pababa. Napagdesisyunan namin itong puntahan.

Dito, makikita mo ang isang mabatong lugar, may tubig na umaagos at may mga kubo. Naririto din ang aming tatawaging “mascot ng kubo”.

Aming natanong sa isang lokal, pwedeng rentahan ang kubo at dito maligo at kumain sa halagang 50-200 pesos (‘di ko sigurado, pero sulit s’ya kung tutuusin)

Sa aming daan papunta sa lugar na ito, aming nadaanan ang munisipyo ng Nagcarlan. Ito ay simple lamang at syempre, nakakatawag pansin ang fountain sa harapan.

Kaunti lamang ang layo ng munisipyo sa Underground Cemetery. Nang makita namin ito, kami’y nabighani sa taglay nitong kagandahan. Pansin na pansin ang detalye ng pagkaluma nitong lugar. Ito’y kinokonsidera na isang Pambansang Palatandaang Makasaysayan.

Nagcarlan Underground Cemetery


Pagkapasok sa pinaka arko, inyong lalakarin ang daanang pinalilibutan ng mga bulaklak. Mapapansin n’yo rin na ang lugar ay nababakuran, istilong tulad sa arko. Sa dulo ng daanan ay ang pasukan papunta sa mga libingan.

Sa looban nito ay ang kapilya at nandito din ang hagdanan papunta sa ibaba (Bilang respeto, hindi ko na ilalagay dito ang larawan, inyo na lamang puntahan nang masilayan n’yo ang angking ganda ng lugar.)

Matapos namin malibot ang Underground Cemetery, napagpasyahan na naming umuwi dahil sulit na ang aming punta. Sa aming daan pauwi, nakita namin ang isang lugar na may nakasulat “Yambo Lake”. At dahil sa maganda ang panahon at maaga-aga pa, amin itong pinuntahan. Malayo ang mismong lawa mula sa pasukan, semento, lupa, putik ang inyong tatahakin.

Pagdating namin sa lugar, may naabutan kaming isang pamilya. Kaunti lang ang tao pero ang lugar ay sobrang ganda. Masarap mag muni-muni dito sa totoo lang.

Yambo Lake

Asul ang tubig, well-maintained ang lugar, may bilihan ng pagkain. Inirerekomenda kong isama n’yo ang inyong mga kaibigan, tiyak na sulit ang day trip n’yo sa lugar na ito. Inyong marerentahan ang balsa / kubo sa halagang 200 pataas (‘di ko din sure). Ang Yambo Lake ay isa sa Pitong Lawa ng San Pablo.

Matapos ang “picture-taking” kami’y umalis na. Sa daan pauwi, nakita namin ang karatula papuntang “Bunga Falls”, taliwas man sa daan pauwi, pinuntahan pa rin namin ito.

Bunga Falls

Maganda ang lugar, maraming taong, maraming bikers. Magandang puntahan lalo sa tag-init. May bayad ang entrance ng 20 pesos.

Paano makarating sa mga lugar na ito?

Simula: McDonald’s, Real St. Hi-Way, Calamba

Unang Tigil: Sr. Pedro Chicken, Calumpang, Pila, Laguna

Tahakin ang Pila-Calumpang Road

Destinasyon 1: Trail at Kubo


Destinasyon 2: Nagcarlan Municipal Hall, Nagcarlan – Rizal Rd, Nagcarlan, Laguna

Destinasyon 3: Nagcarlan Underground Cemetery, Nagcarlan – Rizal Rd, Nagcarlan, Laguna

Pabalik: Mula sa Munisipyo ng Nagcarlan, lumiko pakaliwa, diretsuhin lamang ito

Destinasyon 4: Yambo Lake, Laguna

Destinasyon 5: Bunga Falls

Huli: McDonald’s, Real St. Hi-Way, Calamba

HAVE A SAFE RIDE EVERYONE!


  •  
  •  
  •  
  •  
    1. doug October 18, 2017
      • Francis October 19, 2017
    2. Noel longasa November 1, 2017
    3. Ronald D. January 21, 2018
      • Ian Albert January 22, 2018
        • Ronald D. January 23, 2018
    4. Ronald D. January 23, 2018

    Add Your Comment